Isang Paglalakbay: Ang Pugad Ng Natatagong
Yaman ng Hagonoy
By: Chrissa Anne B. Palma
Isang
isla sa gitna ng karagatan. Ang Barangay Pugad sa Hagonoy, Bulacan ay
napapaligiran ng tubig, kung kaya naman bangka ang nagiging tulay sa pagtawid
ng mga mamayan mula sa isla, patungo sa patag.
Para
sa mga taong nasanay sa malulubak, tuwid, mapuputik at baluktot na daan, ang
pagsakay sa bangka papunta sa isang isla na malayu-layo sa sibilisasyon ay
isang kalbaryo.
Para
sa mga estudyanteng nasanay sa komportable – sabihin nang mahaba – na paglalakbay
mula sa kanilang tahanan patungo sa unibersidad na halos dalawang oras ang
biyahe, hindi pa rin iyon maikukumpara sa paggamit ng de-motor na bangka sa
pagtawid sa tubig upang marating ang barangay na destinasyon ng pag-aaral.
Nag-aalok
ng serbisyo ang Hagonoy, Bulacan na tinatawa na Lakbay Coastal, isang pagkakataon upang maranasan ang buhay sa isla, at
pagkakataon na rin upang mapasyalan ang natatagong mukha ng isang lugar na
inihihiwalay ng tubig sa siyudad.
Dumayo
ang mga nasa ikatlong taon ng kursong Bachelor of Arts in Journalism mula sa
Bulacan State University para sa pagkakataong masilip ang itinatagong yaman ng
mga taga-Barangay Puagd – ang inosente at magagandang kislap ng ngiti sa mga
mata ng kabataan.
Pagtapak
pa lamang sa isla, sasalubong na ang amoy ng dagat, ang kapayakan ng mga bahay,
at sabihin nang mukha ng kahirapan. Subalit ang unang aagaw sa iyong atensiyon
ay ang nakangiti at mapagtanggap na mga mamamayan sa barangay.
At
hahabulin ka ng mga batang nagkukulitan, mga batang punung-puno ng kuryosidad
ang mga mata, mga batang nagbubungisngisan at nag-iiyakan.
Para
sa isang estudyante na napapaligiran ng iba’t ibang eskuwelahang puwedeng
pamiliin mula elementarya hanggang high
school, nakakalungkot isipin na ang Barangay Pugad ay mayroon lamang
paaralan para sa mga bata sa elementarya. Pagtuntong ng mga ito sa susunod na
taon, kinakailangan na ng mga ito na magbiyahe sa bangka upang marating ang
kabilang barangay kung saan may mataas na pamantasan.
Kung
tatanungin ang mga bata kung nanaisin ba nila na tumira sa patag kung saan
hindi nila kakailangang sumakay sa bangka at mabilad sa mainit na araw upang
marating ang eskuwelahan, iisipin agad ng mga tagalabas na oo, gugustuhin ng
mga paslit na tumakas sa lugar na iyon.
Subalit
isang bungisngis na may kasabay na iling ang sagot ng karamihan.
Sina
Angeline Tolentino at Mariel Lontic, kapwa nasa grade four at magkaklase, ay
tumawa nang tanungin kung gugustuhin nilang lumpipat ng paaralan, subalit
tumanggi sila at nagkasundo sa isang sagot kung bakit.
“Paglalaro,” sagot ng magkaibigan.
“Masaya rito kasi lahat kami, magkakakilala. Kapag
walang pasok, sigaw-sigaw na lang,” paghahayag ni Tolentino.
Tinanong
ang mga bata kung madalas bang bumagyo at mawalan ng pasok sa kanilang
eskuwelahan dahil sa pagbaha, at positibong sumagot ang mga ito ng “oo”. Subalit
hindi makikita sa mukha ng dalawa ang hirap.
“Magkakaibigan kaming lahat kasi
magkakakilala na kami,” sagot ni Angeline Lontoc.
Angeline Tolentino (kaliwas) at Mariel Lontic (kanan) |
Subalit
para sa mga magulang, kung maaari lamang ay nais nilang magpatayo sana ang
pamahalaan ng mataas na pamantasan upang hindi na kailangan pang lumayo ng mga
bata kapag papasok sa eskuwelahan.
Si
Josephine Atienza, ina ng tatlong bata, at may bunso na magtatapos ng
elementarya ngayong taon, ay binabalak ipasok ang anak sa Ramona High School kung saan hindi maiiwasang bangkain ang lugar.
“Mas maganda talaga kung mayroon dito para
‘yong mga kabataan natututo at saka hindi na nakakapaglakwatsa,”
sintimiyento ni Atienza.
Idinagdag
naman ni Alfredo Fajardo, may dalawang anak, na mas makakatipid daw kung sana
ay hindi na kailangang lumayo ng anak niyang nasa high school para mag-aral. Ang kanyang panganay ay labintatlong
taong gulang at nag-aaral sa SACS (Saint Anne Catholis School), at nakatira ang
kanyang anak sa hipag niya.
Subalit
alam ni Fajardo na para sa ikatatagumpay ng kanyang anak, kailangan nilang
magsakripisyo.
“Kasi dito sa amin kailangan magsipag para
maidaos ‘yong pag-aaral,” sabi ni Fajardo.
Maaaring
para sa mga nag-aalalang magulang, ninanais nila kung ano’ng mas makakabuti
para sa kani-kanilang mga anak. Inaasam nilang mas mapadala ang buhay ng mga
ito, upang hindi maranasan ng mga paslit ang hirap na kanilang naranasan.
Subalit
para sa mga bata sa Barangay Pugad, hindi nila alintala ang mukha ng kahirapang
nakikita ng mga tagalabas. Pero sa mga mata ng isang hindi kabilang sa isla,
nakakalambot ng puso na makita ang kainosentihan at kasiyahan sa mga mata at
mga ngiti ng mga musmos na normal lamang sumuong sa baha, normal lamang ang
sumakay sa bangka at normal lamang na hilingin na sana, habambuhay nilang
makalaro ang kanilang mga kaibigan.
Kung
sana ay normal lang din sa pamahalaan ang sikaping pagandahin ang buhay ng mga
tao sa Barangay Pugad, nang sa gano’n, hindi man lumisan sa isla ang mga bata
na ito balang-araw, ay masiguro nating lahat na nasa mabuti silang kalagayan.
Dahil
ang mga bata ito na mulat man sa kahirapan ng buhay, ay mga naitatagong yaman
pa rin ng Hagonoy na kailangang pag-ingatan at linangin.
No comments:
Post a Comment